News »


ALS Community Learning Center, pinasinayaan

Published: March 04, 2019 05:10 PM



Bilang pagkilala at pagpapahalaga ng Bagong San Jose sa edukasyon, pinasinayaan nitong Lunes, ika-apat ng Marso ang gusali ng Alternative Learning System (ALS) na matatagpuan sa tabi ng DepEd Division Office sa Brgy. Sto. Nino 2nd.

Ang ALS ay isang sistema ng parallel learning sa Pilipinas na nagbibigay ng praktikal na opsyon sa umiiral na pormal na secondary education. Kapag ang isang tao ay walang access o hindi makayanan ang pormal na pag-aaral sa mga paaralan, ang ALS ay isang kahalili o kapalit.

Lubos ang pagsusulong ni Mayor Kokoy Salvador sa Basic Literacy Program (BLP) na napapaloob sa ALS. Ito ay isang programa na naglalayong matulungan ang mga kabataan na walang kakayahang makapag-aral. Tinuturuan sa pamamagitan ng BLP ang mga kabataan ng pangunahing kaalaman sa pagbasa, pagsulat at pagbilang.

Pinangunahan ni Rev. Father Getty Ferrer ang pagbabasbas sa dalawang palapag na gusali kasama sina Mayor Kokoy Salvador, Vice Mayor Glenda Macadangdang, Konsehala Trixie Salvador at Konsehal Amang Munsayac.

Ayon sa mensahe ni Mayor Kokoy, nakita nya na dumarami na ang mga mag-aaral ng ALS ngunit sila ay mistulang “no permanent address” kaya naman isinama niya sa kaniyang priority projects ang gusali ng ALS upang sila ay magkaroon ng komportableng lugar para sa kanilang edukasyon.

Sinabi rin ng Punong Lungsod na bukod sa ALS facility, pagsisikapan din ng kanyang administrasyon na magkaroon ng pampublikong kolehiyo ang Lungsod San Jose.