News »


Araw ng Lungsod San Jose 2020 (51st City Day)

Published: August 10, 2020 12:00 AM



Ginugunita ngayong araw na ito, Agosto 10, ang ika-51 anibersaryo ng pagkakatatag ng San Jose bilang isang lungsod.

Dahil sa kinakaharap na pandemya at pagbabawal sa mass gathering sa panahong ito, isang simpleng seremonya lamang ang idinaos nitong umaga sa City Social Circle para ipagdiriwang ang naturang okasyon. 

Matapos ang pagtataas ng watawat, nagbigay ng pambungad na pagbati si Vice Mayor Glenda F. Macadangdang at nagpahayag naman ng kaniyang mensahe si Mayor Kokoy Salvador.

Inalala ni Mayor Kokoy ang dating masaya at malaking pagtitipon ng mga San Josenio noong nakaraang taon nang ipagdiwang ang 50th City Day. 

Gayunpaman, sinabi ng Punong Lungsod na marapat pa ring bigyang pugay at pagpapahalaga ang araw na ito kahit sa simpleng paraan.

Nakiisa sa pagtitipon ang mga konsehal ng lungsod, ilang kinatawan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan kabilang ang Community Affairs Office, PNP, BFP, at 84IB 7ID Philippine Army na nanguna sa 21 Gun Salute ceremony. 

Nagkaroon din ng pag-aalay ng bulaklak sa bantayog nina Gat. Jose Rizal, Gat. Andres Bonifacio, at Don Canuto Ramos – ang kauna-unahang ‘Kapitan Municipal’ o pinuno ng San Jose nang ito ay maging isang bayan sa panahon ng mga Kastila.