Awarding of Wheelchairs and Crutches
Published: January 18, 2021 12:00 AM
Pinangunahan ni Punong Lungsod Kokoy Salvador ang pagbibigay ng mga wheelchairs at crutches sa 12 benepisyaryo sa programang isinagawa ng Persons with Disability Office (PDO) sa kanilang tanggapan, nitong Lunes, Enero 18.
Sa kabuuan, 10 PWDs ang nakatanggap ng wheelchair at 2 naman ang nabigyan ng crutches.
Ang naturang programa ay parte ng proyekto ng PDO na pamimigay ng mga assisted devices gaya ng wheelchairs, crutches, canes, artificial legs, at leg braces na siyang makatutulong upang mapadali ang pamumuhay ng mga PWDs.
Patunay lamang ito na kahit may pandemya ay patuloy pa rin ang pagkalinga at serbisyo ng lokal na pamahalaan para sa mga itinuturing na kabilang sa marginalized sector ng lipunan.
Samantala, nag-iwan naman ng mensahe ng inspirasyon si Mayor Kokoy para sa mga PWDs, gayundin ay nagpaalala na patuloy pa ring pag-igtingin ang pag-iingat laban sa banta ng COVID-19, lalo pa’t nakapasok na ang bagong variant nito sa bansa.
Binanggit din ng Punong Lungsod na ginagawa niya at ng lokal na pamahalaan ang lahat ng makakaya upang makabili ng vaccine kontra COVID-19 para sa mga San Josenio.
Kaugnay nito, hinikayat niya ang lahat na kapag dumating na ang aprubadong bakuna sa lungsod, ay magpabakuna ang lahat ng miyembro ng pamilya upang nang sa gayon ay unti-unti nang matapos ang kalbaryong hatid ng pandemya at bumalik na ang lahat sa normal.