Ayudang pataba mula sa Department of Agriculture
Published: November 23, 2020 12:00 AM
Sinimulan ng City Agriculture Office nitong nagdaang Miyerkules, ika-18 ng Nobyembre ang pamimigay ng ayudang pataba mula sa Department of Agriculture para sa mga benepisyaryong magsasaka sa lungsod na naka-rehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Para mapasama sa talaang ito, kailangang mag-presinta ng mga kaukulang dokumentong itinakda ng DA ang magsasaka sa nakatalagang Agricultural Technologist sa kanyang barangay. Ang mga nalilikom na aplikasyon ay isinusumite naman ng City Agricultural Office sa regional office ng Department of Agriculture na siyang nagpapatunay at nag-aapruba sa benepisyaryo.
Dumalo sa distribusyon ng pataba nitong ika-20 ng Nobyembre si Mayor Kokoy Salvador kasama si Konsehala Susan Corpuz.
Ang iskedyul ng pamimigay ng pataba ay tuwing Miyerkules at Biyernes, at binhi naman ang ipinamimigay tuwing Martes at Huwebes. Magtutuloy-tuloy ang distribusyon hanggang maibahagi ang ayuda sa lahat ng benepisyaryo.