News »


Ayudang pataba mula sa Department of Agriculture

Published: June 02, 2021 03:00 PM



Muling sinimulan ng City Agriculture Office (CAO) ang pagbibigay ng ayudang pataba mula sa Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasakang benepisyaryo ng lungsod, sa pamamagitan ng programang Fertilizer Voucher Scheme sa ilalim ng Rice Resiliency Project (RRP) II, nitong Martes, Hunyo 1.

Limang magsasaka mula sa Brgy. Malasin at lima rin mula sa Brgy. Abar 2nd ang napagkalooban ng fertilizer voucher matapos sumalang sa isinagawang dry-run ng bagong sistema sa distribusyon ng ayudang pataba. 

Sa ilalim ng Fertilizer Voucher Scheme, upang makakuha ng libreng abono, kinakailangan lamang ipakita ng magsasaka ang voucher sa merchant o supplier ng mga pataba na kinikilala ng DA. 

Sa dating sistema kung saan mas maraming proseso sa lohistika, personal na ibinibigay ng City Agriculture Office ang sako-sakong pataba sa mga magsasaka.

Kaugnay nito, naging katuwang ng City Agriculture Office (CAO) at ng Department of Agriculture – Regional Field Office 3 (DA-RFO3) ang Brillo Agri-trading at N.H Juan Vet & Agri Supply bilang supplier ng mga ipinamamahaging pataba sa mga magsasakang nagsisilbing benepisyaryo ng isinaad na programa.

Ang katumbas na halaga ng isang voucher ay dalawang libong piso (P2,000.00)/ha para sa inbred at tatlong libong piso naman (P3,000.00)/ha para sa hybrid.

Ang mga kuwalipikadong magsasaka na makatatanggap nito ay ang mga nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), mga nakapagtanim ng palay ngayong dry season, at mga magsasakang hindi pa nakatatanggap ng in-kind fertilizer noong nakaraang distribusyon.

Ang Fertilizer Voucher Scheme sa ilalim ng Rice Resiliency Project (RRP) II ay bahagi ng “Plant, Plant, Plant Program” na mayroong layuning mapataas at mapalakas ang lokal na produksyon ng palay at bigas upang malabanan ang banta sa seguridad ng suplay ng pagkain sa bansa.

Tatagal hanggang Hunyo 15 ang distribusyon ng fertilizer voucher para sa mga benepisyaryo sa ilalim ng naturang programa.