News »


Bagong K Building sa Kaliwanagan

Published: October 11, 2022 12:46 PM



Mas abot kamay na ang edukasyon para sa mga kabataan sa Barangay Kaliwanagan nang opisyal na buksan ang kauna-unahang K Building sa Kaliwanagan High School – San Agustin Integrated School (SAIS) Annex.

Ginanap kaninang umaga (Oktubre 11) ang Inauguration and Turn-over Ceremony ng nasabing gusaling pampaaralan na dinaluhan nina City Mayor Kokoy Salvador, Vice Mayor Ali Salvador, Schools Division Superintendent Johanna Gervacio, Kaliwanagan Barangay Captain Roderick Brillo, Education-in-charge Barangay Kagawad Aldwin Brillo, Kaliwanagan High School OIC Principal Darius Tolentino, at PTPA President Nolito Ortiz.

Bago mag-ribbon cutting, nagpasalamat muna sina Ortiz at Kagawad Brillo sa lokal na pamahalaan lalo na kina Mayor Kokoy at Vice Mayor Ali para sa nasabing proyekto.

Ayon naman kina Tolentino at Brgy. Captain Brillo, malaking tulong ang nasabing gusali para sa mga residente ng Kaliwanagan.

Anila, kung noon ang baon na pera ng mga estudyante ay nasa 100 pesos araw-araw, ngayon ay nasa 30-40 pesos na lamang sapagkat maaari na nilang lakarin ang paaralan.

Inaasahang nasa 273 mag-aaral ng Junior High School ang gagamit ng nasabing bagong K building.

Kaugnay nito, nagpasalamat din si Gervacio kay Mayor Kokoy sa walang sawang pagsuporta sa mga proyekto at adhikaing pang-edukasyon.

Samantala, ibinahagi naman ni Mayor Kokoy ang kanyang plano na lagyan ng solar panel ang mga eskwelahan upang mabawasan ang gastos ng mga ito sa koryente.

Siniguro naman ni Vice Mayor Ali na laging bukas ang kanilang opisina upang sumuporta sa mga proyekto.