Bagong K-Building ng San Agustin Integrated School
Published: July 09, 2021 10:00 PM
Naging mapagpala ang buwan ng Hulyo para sa Brgy. San Agustin matapos idaos ang pormal na inagurasyon ng bagong K-Building sa San Agustin Integrated School nitong Huwebes, Hulyo 8.
Pinangunahan ni Punong Lungsod Kokoy Salvador katuwang si Schools Division Superintendent Johanna Gervacio ang ribbon-cutting ceremony, habang si Rev. Fr. Redentor Asuncion naman ang nanguna sa pagbabasbas ng gusaling pampaaralan.
Binigyang diin ni Mayor Kokoy na edukasyon ang magandang pundasyon para sa maayos na buhay ng bawat indibidwal.
Ayon sa kanya, kapag nagbukas ang mga klase para sa face-to-face learning, hindi lahat ng mag-aaral ay mayroong pinansiyal na kakayahang gumastos para sa pang-araw-araw na transportasyon kung kaya’t sinisikap niya na magpatayo ng mga paaralan sa mga liblib na lugar.
Nabanggit din niya na maraming nais mamuhunan at magtayo ng negosyo sa lungsod na makapagbibigay ng oportunidad sa trahabaho kaya naman nararapat na maging handa ang mga kabataan ng lungsod para rito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na kaalaman.
Kaugnay nito, masayang ibinalita ni Mayor Kokoy na magsisimula na ngayong taon ang pagtatayo ng Kolehiyo ng Lungsod San Jose.
Nagpahayag ng pasasalamat si SDS Gervacio at Assistant OIC Assistant Schools Division Superintendent Donato Chico kay Punong Lungsod sa pagiging katuwang nito sa mga proyekto ng Kagawaran ng Edukasyon. Sambit nila, masarap magplano at manatili sa isang dibisyon kung saan laging buo ang suporta ng Lokal na Pamahalaan.
Ipinrisinta naman ni OIC City Engineer Carlito Peralta Jr.ang naging plano at pondo ng naturang gusali, gayundin ang kopya ng Building Permit at Certificate of Occupancy na nagpapatunay na maaari nang gamitin ang gusaling pampaaralan bilang gusaling institusyonal.
Hindi naman nakaligtaan ni Mayor Kokoy ang pagpapaala na patuloy na mag-ingat sa banta ng pandemya. Hinikayat din niya ang mga guro na huwag mag-alinlangang magpabakuna kapag dumating na ang bakuna para sa Priority Group A4 kung saan sila kabilang. Hiningi rin niya ang tulong ng bawat isa na tulungan siyang mangampanya sa pagbabakuna ng mga San Josenio.