News »


Baguio at San Jose, 'Magkapadit' Na!

Published: August 24, 2023 05:41 PM



Nilagdaan nina Mayor Benjie Magalong at Mayor Kokoy Salvador ang kasunduang pormal na nagtatag sa Baguio City at San Jose City bilang “sister cities” kahapon, Agosto 23, sa Baguio Convention Center.

Sa ilalim ng Sister Cities Agreement, layunin ng bawat lokal na pamahalaan ng dalawang lungsod ang pagtataguyod at pagkakaroon ng magkasamang pag-unlad sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga polisiya, pagsulong ng mga aktibidad at programa, at “best practices” na may kinalaman sa turismo at kultura; kalusugan at kapaligiran; agrikultura; edukasyon at sports; indigenous peoples’ welfare; at social welfare.

Mainit na pagtanggap ang isinalubong ng lokal na pamahalaan ng Baguio sa delegasyon mula sa Lungsod San Jose na pinangunahan ni Mayor Kokoy kasama sina Vice Mayor Ali Salvador, Coun. Luz Naboye, at mga tagapamahala ng ilang kagawaran ng lokal na pamahalaan ng San Jose City.

Sa kanyang mensahe sa MOU signing ceremony, ipinaabot ni Mayor Kokoy ang pasasalamat sa buong lokal na pamahalaan ng Baguio City lalo na kay Mayor Magalong sa pagtanggap sa San Jose City bilang “sister city”.

Pinasalamatan din niya ang Indigenous Peoples’ Mandatory Representative (IPMR) sa konseho ng Lungsod San Jose, Coun. Naboye, na siyang gumawa ng mga hakbang at nagsilbing lead coordinator upang maisakatuparan ang sisterhood sa pagitan ng San Jose at Baguio.

Ayon naman kay Mayor Magalong, lubos siyang pamilyar sa Lungsod San Jose dahil lagi siyang nagagawi rito noong siya ay tumira sa bayan ng Pantabangan ilang dekada na ang nakararaan bilang parte ng kanyang pagsisilbi sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Dagdag pa niya matapos mapanood ang visual presentation tungkol sa lungsod, ibang-iba na ang San Jose ngayon kumpara noong panahong madalas niyang madaanan ito, at siya ay lubos na natutuwa sa kanyang nakitang progreso.

Matapos lagdaan ang MOU, nagpalitan ng mga inihandang tokens sina Mayor Magalong at Mayor Kokoy para sa kani-kanilang LGU.

Ipinagmalaki rin ng Baguio ang kanilang inilunsad na “Smart City” Development Plan para sa lungsod.

Sa isang visual presentation at live demo para sa naturang plano, naipakita ng Baguio LGU kung paano sila nagsimula nang gumamit ng real time data gathering para sa real time monitoring & analysis na makakatulong sa public health, order & safety; at disaster risk reduction & management. Nakapaloob din sa plano ang modernong paggamit ng traffic management system, mabilis na internet speed, real-time utilities reading, at iba pa, upang mas maging moderno at magaan ang pamumuhay ng mga nakatira sa City of Pines.

Ayon kay Mayor Magalong, maibabahagi nila ang kanilang expertise sa naturang development kapag handa na ang Lungsod San Jose para rito.

Dagdag pa niya, malaking pondo ang kinakailangan para sa isang "smart city" kaya naman mahalagang makakuha ng grant mula sa iba’t ibang ahensya ng national government at gayun din sa mga international agency upang maisakatuparan ang ganitong moderno at malawak na plano.