BAGYONG ROLLY UPDATE
Published: October 30, 2020 12:00 AM
Nagpulong nitong hapon, October 30, ang City Disaster Risk Reduction and Management Office upang talakayin ang kahandaan ng lokal na pamahalaan sa paparating na Bagyong Rolly.
Siniguro ng iba’t ibang ahensya ang pagiging alerto sa parating na bagyo, tulad ng koordinasyon para sa posibleng paglilikas ng mga residenteng nasa mababang lugar, pamimigay ng relief, patuloy na paglilinis ng waterways, at iba pa.
Ayon sa forecast ng PAG-ASA, ang Bagyong Rolly ay magla-landfall sa Aurora sa Linggo ng gabi o Lunes ng umaga at tatawid sa Central Luzon. Base sa huling impormasyon mula sa weather bureau, ang hangin na dala ng bagyo ay may bilis na 165 km/h at pagbugso na 205 km/h nitong umaga lamang ng Biyernes. Inaasahan pang lalakas ang pwersang ito habang papalapit ang bagyo.
Dahil sa inaasahang lakas ng hangin at ulan, payo ng Punong Lungsod Kokoy Salvador at City Disaster Risk Reduction and Management Officer Amor Cabico na maging handa ang lahat sa “worst case scenario” na dulot ng bagyo tulad tulad ng pagkasira ng mga bubong, pagbaha, power interruption, at pagkawala ng mobile phone signal/internet.
Dagdag pa ng Punong Lungsod, sa usaping kalamidad ay mas mabuti nang naghahanda sa “worst case scenario” para sa kaligtasan ng lahat.
Tumutok lamang sa page na ito para sa mga updates na may kinalaman sa Lungsod San Jose.