News »


Bahay na Gawa sa Plastic Bottles, Pinasinayaan

Published: May 09, 2024 03:29 PM



Binasbasan at pinasinayaan na kahapon, Mayo 8 ang itinayong bagong bahay sa Brgy. Sto. Niño 2nd na gawa sa eco-bricks o plastic bottles na siniksik ng plastic wastes.

Iginawad naman ang bahay kay Ginoong Gerry Rufino na isa sa mga tagahakot ng basura sa nasabing barangay.

Inumpisahan noong Pebrero ang konstruksiyon ng bahay mula sa Tiny House Project ng Philippine Rural Reconstruction Movement at Coca-Cola Foundation, katuwang ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) na nangolekta ng mga ginamit na higit kumulang 2,500 eco-bricks.

Naisakatuparan din ang proyekto sa suporta ng Sangguniang Barangay ng Sto.Niño 2nd at Central Luzon State University (CLSU) College of Engineering na gumawa ng structure design at layout ng bahay.

Kabahagi rin ang San Jose City Eagles Club at Samahang Ilokano na tumulong sa konstruksiyon.

Ayon sa CENRO, nakatulong na sa kalikasan ang nasabing Tiny House Project, may pamilya pang nadamayan.