News »


Barangay Tanod, sumailalim sa peace & order training

Published: February 01, 2018 05:23 PM



Sumalang sa tatlong araw na pagsasanay ang mga tanod mula sa labing-limang barangay sa lungsod patungkol sa pagpapanatili ng kaayusan sa kanilang mga nasasakupang lugar.

Ilan sa mga tinalakay dito ang pagsugpo sa kriminalidad, Anti-Violence Against Women and their Children o VAWC Act, first aid at self defense techniques, pagiging alerto at handa sa anumang klase ng sakuna gaya ng sunog, bagyo at iba pa.

Dumalo si Punong Lungsod Kokoy Salvador sa naturang aktibidad para magpakita ng suporta at magbigay ng mensahe.

Sinabi niyang mahalaga ang papel ng mga barangay tanod sa pagpapanatili ng kaayusan dahil sila ang mas nakakaalam sa mga nangyayari sa kanilang nasasakupan. Hinikayat din ng Punong Lungsod ang mga opisyal at tanod ng barangay na patuloy na makipagtulungan sa ating kapulisan.

Magkakaroon din ng ganitong pagsasanay ang iba pang mga barangay na hindi nakasama sa aktibidad sa buwan ng Marso.

Pinangunahan ng PNP San Jose ang nasabing aktibidad na ginanap mula Enero 29 – 31.

(Jennylyn Cornel)