News »


Basic Digital Literacy, itinuro sa mga Barangay Secretary at Treasurer

Published: September 16, 2022 09:00 AM



Nagsagawa ang Department of Information and Communications Technology (DICT) katuwang ang City Library at Community Affairs Office ng dalawang araw na Basic Digital Literacy Training para sa mga Barangay Secretary at Treasurer ng lungsod.

Isinagawa nitong Setyembre 14-15 ang pagsasanay sa Learning and Development Room sa City Hall, kung saan tinuruan ang mga kalahok ng basic computer programs gaya ng MS Word, Excel, at PowerPoint.

Nagsilbing tagapagsanay rito si Don King Dalusong, DICT Project Development Officer I kasama ang IT specialist ng City Library.

Alinsunod ang programang ito sa Republic Act No. 10844 o DICT Act of 2015 na naglalayong isulong ang national ICT development agenda.

Ibinahagi naman ni Engr. Conrado P. Castro Jr., DICT Provincial Head na makatutulong ito na ma-jump start ang mga mamamayan sa paggamit ng teknolohiya para makasabay sa digitalization sa bansa.

Samantala, dumalo si Vice Mayor Ali Salvador sa huling araw ng pagsasanay at pinangunahan ang paggawad ng Certificate of Completion sa 31 kalahok, kasama sina City Librarian Helen Ercilla at Community Affairs Office OIC Ryan Niņo Laureta.