News »


BNS, pinulong para mas mapabuti ang serbisyong pangkalusugan

Published: February 07, 2018 05:17 PM



Bilang bahagi ng adbokasiya ni Mayor Kokoy Salvador na mabigyan ng magandang serbisyong pangkalusugan ang mga mamamayan ng San Jose, pinulong kahapon (Pebrero 6) ng mga kawani ng City Nutrition Office (CNO) ang mga Barangay Nutrition Scholar (BNS) ng lungsod.

Kabilang sa mga tinalakay dito ang kahalagahan ng kanilang tungkulin at responsibilidad sa mga barangay na kanilang nasasakupan, mga paalala para mapaganda pa ang kanilang serbisyo, mga aktibidad ng BNS ngayong 2018 gaya ng operation timbang, backyard garden inspection, at iba pa.

Kasabay nito, nanumpa ng Pledge of Commitment ang mga BNS sa pangunguna ng Punong Lungsod.

Sa mensahe ni Mayor, binati niya ang mga ito sa kanilang tungkulin at masayang ibinalita na sa susunod na taon ay madaragdagan na ang allowance ng mga Barangay Nutrition Scholars.

Maliban sa layunin ng pagpupulong na maipalaganap at maitaas ang kaalaman at kamalayan ng bawat isa sa kahalagahan ng wastong nutrisyon, layunin din nitong mabigyang diin ang malaking papel ng mga BNS upang maisakatuparan ang mga programang pangkalusugan ng lokal na pamahalaan para sa mas magandang serbisyo sa mga San Josenians.