News »


Brgy. Kita-Kita, dinayo ng K-Outreach Program

Published: July 25, 2018 03:36 PM



Bagama’t abala ang Lokal na Pamahalaan nitong nakaraang linggo sa paghahanda sa ulang dulot ng Habagat, wala pa rin itong tigil sa paghahatid ng mga libreng serbisyo para sa mga mamamayan ng San Jose sa pamamagitan ng K-Outreach Program.

Dinayo ng programa ang Brgy. Kita-Kita nitong nakaraang Biyernes (Hulyo 20), kung saan nakatanggap ang mga residente ng iba’t ibang serbisyo gaya ng libreng bigas para sa Food for Work Program, buto ng gulay at prutas, konsultasyon, gamut, reading glasses, at bunot ng ngipin.

Maliban dito, nagbigay rin ng libreng contraceptives, masahe mula sa H2P3, libreng gupit, iodized salt, choco milk para sa mga bata, at marami pang iba.

Ito rin ang nagsilbing pagkakataon para sa mga taga-Kita-Kita na makasalamuha at makakuwentuhan si Mayor Kokoy Salvador, at maiparating ang kani-kanilang saloobin at pangangailangan na buong puso namang pinakinggan ng Punong Lungsod.

Nakasalo rin ng mga residente sa isang Boodle Fight na pananghalian ang Punong Lungsod at ilang kawani ng lokal na pamahalaan.

Hindi rin nagpahuli sa programa si Vice Mayor Glenda F. Macadangdang at ilang konsehal ng na sina Konsehal Amang Munsayac, Trixie Salvador, Victoria Adawag, Roy Andres, Atty. Ronald Lee Hortizuela at Ryan Laureta.

Samantala, muling dadayo at maghahatid ng mga libreng serbisyo ang K Outreach Program sa Brgy. Villa Marina sa darating na Biyernes (Hulyo 27).