News »


Brgy. San Mauricio, dinayo ng K Outreach Program

Published: July 03, 2018 05:21 PM



Dahil sa walang patid na suporta at malasakit ng Lokal na Pamahalaan para sa mamamayan ng Bagong San Jose, tuloy-tuloy ang paghahatid ng mga libreng serbisyo sa pamamagitan ng K Outreach Program na dumayo sa Brgy. San Mauricio nitong Hunyo 22.

Dito, dinagsa ng mga residente ang programa kung saan nakatanggap sila ng libreng konsultasyon, libreng gamot, libreng bunot ng ngipin, at pagpoproseso ng sanitary health certificate na isinasagawa ng City Health Office.
Libreng bakuna kontra rabies, pampurga at bitamina para sa mga alagang hayop naman ang ipinamigay ng City Veterinary Office.

Patuloy naman sa pamamahagi ng mga produktong may Sangkap Pinoy Seal (SPS) at iodized salt ang City Nutrition Office.

Kasama rin sa K Outreach ang CENRO at City Agriculture Office na nagpamigay ng punlang puno, buto, punlang gulay at iba pa.

Patuloy naman sa pamamahagi ng contraceptives ang City Population Office, habang ang mga kinatawan ng City Legal Office at Sangguniang Panlungsod ay nandoon din para mag-serbisyo.

Nagbaba rin ng serbisyo ang Public Employment Service Office (PESO), City Civil Registrar’s Office, City Library, at Franchising and Regulatory Office.

Hindi rin maawat si Punong Lungsod Kokoy Salvador sa pakikisalamuha sa mga residente roon upang alamin ang kanilang mga hiling at saloobin sa mga programa at proyekto ng lungsod.

Nagkaroon din ng pagkakataong magrelax ang mga dumalo na nakatanggap ng libreng masahe mula sa H2P3 Massage Therapists.

Pinangunahan naman ng City Social Welfare and Development Office ang pamamahagi ng bigas para sa kanilang “Food for Work” program.

Pakaabangan naman ang K Outreach Program na dadayo sa Brgy. Tayabo Covered Court sa darating na Biyernes, Hunyo 6.