Brgy. Villa Marina, dinayo ng K-Outreach
Published: October 15, 2019 12:00 AM
Wala pa rin talagang tigil ang pagratsada ng K-Outreach Program kaya nitong Huwebes (Oktubre 10) dumayo naman nito sa Brgy. Villa Marina na kung saan nagpamudmod ang caravan ng samu’t saring serbisyo sa mga residente.
Para masuri ang kalusugan ng mga tagaroon, nagkaroon ng medical at dental check-up, nagpamigay ng mga gamot at bitamina, nagtimbang ng mga bata, at nagpayo para sa family planning.
Bukod sa mga naunang nabanggit, namigay rin ang iba’t ibang sangay ng Lokal na Pamahalaan ng mga seedlings, bigas, at mga salamin sa mata. Nagbakuna rin ng mga alagang aso, may story-telling para sa mga bata, may gupitan at masahe, pag-asiste sa mga senior citizens, pagpapayong legal, paggabay sa pagrerehistro, at marami pang iba.
Dumalo si Mayor Kokoy Salvador bago bumiyahe patungong Pampanga upang tanggapin ang isang parangal para sa lungsod. Kasama rin sa K-Outreach si Vice Mayor Glenda Felimon-Macadangdang, at mga opisyales mula sa Sangguniang Panglungsod.
Magiliw naman ang pagtanggap ni Kapitan Heber D. Cariaga kasama ang kanyang mga opisyales sa pagdating doon ng buong caravan ng K-Outreach.
Nagsalo-salo sa tradisyonal na boodle fight ang lahat ng dumalo matapos maipamahagi ang mga libreng serbisyo sa mga tao.
(Ramil D. Rosete)