News »


Buwanang Pulong ng Association of Disaster Resilience Officers of Nueva Ecija (ADRONE), Idinaos sa Lungsod

Published: September 13, 2023 03:33 PM



Idinaos ang buwanang pulong ng Association of Disaster Resilience Officers of Nueva Ecija (ADRONE), Inc. sa Lungsod San Jose nitong Martes (Setyembre 12), kung saan naging panauhing pandangal at tagapagsalita si Atty. Anna Patricia Pineda, Office of Civil Defense Regional Director (OCD3) at Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) Chairperson.

Pinuri ni Atty. Pineda ang ADRONE dahil sa nakita niyang dedikasyon at pagkakaisa ng nasabing samahan.

Aniya, napakahalaga ng pagbuo ng ganitong organisasyon, kaya naman tiniyak ng direktor ng OCD3 na tutulong ang kanilang ahensiya para gawin itong mas matatag.

Binati rin ni Atty. Pineda ang mga bagong Local Disaster Risk Reduction and Managament Officer (LDRRMO), kabilang ang LDRRMO ng lungsod na si John Eric Dizon na ipinakilala sa naturang pulong at nagpahayag ng kanyang mainit na pagtanggap sa mga bisita.

Samantala, hinimok naman ni ADRONE President at City of Palayan LDDRMO Ferdinand Hilado ang mga kasamahan na ibahagi sa isa’t isa ang kanilang best practices at maaari din silang magkopyahan ng magagandang aktibidad.

Nabanggit din ni Hilado ang mga planong pagsasanay para sa mga LDRRMO, partikular ang Incident Command System (ICS) IV and V.

Dumalo rin sa pulong si Vice Mayor Ali Salvador at ipinaabot ang pagbati ni Mayor Kokoy Salvador sa mga panauhin mula sa iba’t ibang bayan ng Nueva Ecija, kabilang si Provincial DRRMO Michael Calma.