News »


CADAC, naglunsad ng symposium kontra-droga

Published: March 19, 2019 05:38 PM



Para mapalawig ang kampanya laban sa droga, naglunsad nitong ika-13 ng Marso ang City Anti-Drug Abuse Council o CADAC ng isang symposium para sa mga kabataan na ginanap sa Sto. Nino 3rd High School.

Isa sa maigting na programang tinututukan ng pamahalaan ang pagsugpo sa illegal na droga. Lubos ang ginagawang pagbabantay ukol dito upang masawata ang pagsulpot nito at ang masamang dulot nito sa mga kabataan.

Sanib-pwersa ang San Jose Local Government Unit, Community Affairs Office, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Public Attorney’s Office (PAO) at 84IB-71ID Philippine Army (PA) upang maisakatuparan ang nabanggit na symposium. Dinaluhan ito ng mga kabataan at opisyales mula sa iba’t ibang sektor. Nagpakita rin ng suporta si Kapitan Wilfredo Escudero.

Nagbigay naman ng mensahe si Mayor Kokoy Salvador kung saan binigyang-diin niya ang masasamang epekto ng droga at nangakong patuloy niyang paiigtingin ang pagmamalasakit nya sa mga kabataan sa lungsod.

Samantala, tinalakay din sa symposium ang Effects of Illegal Drugs in the Community ni J/Supt. Richard Kho. Si Atty. June Elva Dumangeng naman ang tumalakay sa Salient Provisions of Dangerous Drug Act habang ang usapin tungkol sa Anti-Insurgency Campaign ay ipinaliwanag naman ng 84IB-7ID Philippine Army.

Bago magtapos ang programa, masusing pinag-usapan sa open forum ang ilang mahahalagang hakbangin, isyu, suhestiyon, at mga usapin na lalo pang magpapaigting sa pagpapalaganap ng mga impormasyon at programang napapatungkol sa kampanya kontra-droga.