News »


Chorale Competition � 2nd Elimination Round

Published: November 28, 2017 03:31 PM



Kasabay ng pagdating ng hanging amihan, lalong naramdaman sa lungsod ang presensiya ng Kapaskuhan matapos marinig ang mala-anghel na tinig ng mga mag-aaral sa lungsod sa ginanap na Chorale Competition Elimination Round noong Biyernes (Nobyembre 24) sa City Social Circle.

Nagpamalas ng galing sa round na ito ang 10 paaralan kabilang ang San Jose East Central School, Tayabo Elementary School, San Juan Elementary School, A. Pascual Elementary School, Palasapas Elementary School, Sto. Niño 3rd Elementary School, United Methodist Church Learning Center, San Jose City National High School (SJCNHS), Tondod High School at Mount Carmel Montessori Center.

Nangibabaw sa round na ito ang naggagandahang tinig ng mga mag-aaral mula sa San Jose City National High School (SJCNHS) sa Secondary Division at United Methodist Church Learning Center naman ang nanguna sa Elementary Division.

Dumalo sa naturang programa ang butihing Punong Lungsod Kokoy Salvador na hindi napapagod magpakita ng suporta.

Sa kanyang mensahe, sinabi niyang mag-enjoy lang ang mga kalahok at ipamalas ang kanilang galing. Hinimok naman niya ang mga hindi pinalad na manalo na huwag mawawalan ng pag-asa at gawin itong inspirasyon para lalong magpunyagi at magtagumpay sa buhay.

Kung matatandaan, nanalo sa nakaraang Chorale Competition noong Nobyembre 20 ang mga pambato mula sa Encarnacion Subdivision Elementary School na pasok na sa Grand Finals.

Abangan naman sa Disyembre 1 at 8 ang pagtatanghal ng iba pang mga mag-aaral mula sa elementary school at high school na magtatagisan para makumpleto ang mga kalahok sa Grand Finals na gaganapin sa Disyembre 15.
(Jennylyn N. Cornel)