Chorale Competition 2019
Published: November 22, 2019 12:00 AM
Tunay na damang-dama na ang Kapaskuhan sa lungsod lalo pa’t nagsimula na ang serye ng tagisan sa pag-awit ng mga mag-aaral sa taunang Chorale Competition.
Maulan man nitong Miyerkules (Nobyembre 20), hindi napigil ang programa na ginanap sa Pag-asa Sports Complex at naging maniningning pa rin ang gabi dahil sa mala-anghel na tinig ng mga kalahok.
Walong grupo mula sa pribado at pampublikong paaralan sa elementarya ang nagtagisan sa pagkanta ng piyesang “Ang Pasko sa aming Nayon” at isa pang piling Christmas song.
Sa unang elimination round, panalo ang Elim School for Values and Excellence at Mount Carmel Montessori Center.
Kahapon (Nobyembre 21) naman ginanap ang ikalawang elimination round kung saan nangibabaw ang tinig ng Malasin Elementary School at Pinili Elementary School.
Ngayong gabi ng Biyernes (Nobyembre 22) at sa Nobyembre 27, muling masasaksihan ang Chorale Competition sa City Social Circle kung saan magtatagisan ang iba pang paaralan sa elementarya para mapili ang walong grupo na papasok sa semifinal round.
Samantala, sa Nobyembre 29 naman gaganapin ang pasiklaban ng mga paaralan sa sekondarya.