News »


City Day Job Fair

Published: August 11, 2023 07:00 PM



Dumagsa ang mahigit isang libong job seeker sa ginanap na Job Fair nitong Agosto 9 sa Pag-asa Sports Complex bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-54 na Araw ng Lungsod San Jose.

Iba’t ibang trabahong lokal at overseas ang alok ng mahigit 30 kompanya at ahensiya na nakilahok sa naturang aktibidad na inorganisa ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ng Public Employment Service Office (PESO)-San Jose City at pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Migrant Workers (DMW), at PESO-Nueva Ecija.

Bumisita naman sa Job Fair at nagpahayag dito ng kanilang suporta sina Mayor Kokoy Salvador at Vice Mayor Ali Salvador, kasama ang ilang konsehal.

Samantala, nagpaalala rito si Atty. Francis Ron de Guzman, Assistant Secretary for Licensing and Adjudication Services ng DMW sa mga nag-a-apply ng trabaho na maaaring beripikahin sa kanilang ahensiya ang mga lehitimong recruitment agency para hindi ma-scam o mabiktima ng mga illegal recruiter.