Contact Tracing Team
Published: September 09, 2020 12:00 AM
Nagpulong nitong umaga, September 9, ang mga kinatawan ng Contact Tracing Team sa lungsod upang pag-usapan ang ilang mahahalagang bagay na makatutulong sa mas mabilis na contact tracing at isolation o quarantine ng close contacts ng mga pasyenteng lumalabas na positibo sa SARS-COV-2, ang virus na nagdudulot ng COVID-19.
Dumalo sa pagpupulong sina Dr. Relito Ignacio at Dr. Leopoldo Mendoza ng Heart of Jesus Hospital upang magbahagi ng kanilang kadalubhasaan at mga suhestiyon tungkol sa pagsugpo ng sakit na ito. Ibinahagi ni Dr. Ignacio ang criteria na dapat sundin kung sino ang dapat na prayoridad dumaan sa swab testing at ang pinakamabisang panahon kung kailan ito dapat gawin.
Tinalakay sa pagpupulong ang mga hakbang na ginagawa ng Contact Tracing Team kapag may naitatalang pinaghihinalaan o positibong kaso. Sa ulat ng DOH nurse na nakatalaga sa lungsod, sa kasalukuyang bilang ng active cases sa lungsod, nakapag-contact trace na ng 189 na katao at patuloy pa ring ginagawa ang tracing.
Sa tulong ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT), ang mga close contacts ay mino-monitor upang mag-quarantine. Depende sa pagsusuri ng City Health Office sa kalagayan ng tirahan ng close contact, ang kanilang quarantine ay maaaring gawin sa kanilang bahay o sa quarantine facility ng lungsod. Sa kasalukuyan, tatlong (3) close contacts ang nasa quarantine facility sa City High.
Ayon kay Punong Lungsod Kokoy Salvador, kung kinakailangang dalhin sa quarantine facility ang isang close contact ay hindi mag-aatubili ang City Health Office na asikasuhin ito. Kung ligtas namang sa bahay gawin ang quarantine ayon sa rekomendasyon ng Disease Surveillance Unit, ito ay kailangang mahigpit na ma-monitor ng BHERT.
Napag-usapan din ang paggawa ng "San Jose City Contact Tracing Playbook" na siyang magiging pormal na alituntunin ng team sa tuwing magsasagawa ng contact tracing; ang paglulunsad ng Contact Tracing Facebook Page; at ang paghahanda ng City Health Office sa kautusan ng Office of the Civil Defense (OCD) na isailalim sa swab test ang mga umuuwing Locally Stranded Individuals (LSI) mula sa ibang lugar.
Tungkol naman sa lockdown, ipinaliwanag ni DILG Officer Ria Hermogino na hindi basta-basta maaaring i-lockdown ang isang lugar nang walang pahintulot ng Regional IATF.
Nito lamang nakaraang linggo, nagbigay ng orientation ang LGU Contact Tracing Team sa kanilang counterparts sa barangay.