News »


COVID-19 Vaccination Plan

Published: February 09, 2021 12:00 AM



Inilahad ni City Health Officer Dr. Marissa Bunao ang COVID-19 Vaccination Plan and Program para sa lungsod nitong umaga, Pebrero 9, sa Hotel Francesko sa isang presentasyon na dinaluhan ng mga miyembro ng Local Inter-Agency Task Force (IATF). 

Tinalakay rito ang mga alituntunin na kailangang sundin sa pagbabakuna, ang prayoridad na kailangang mabakunahan, ilan ang dapat mabakunahan sa buong populasyon ng lungsod, at ang mga brand ng bakuna na maaaring gamitin. 

Ayon kay Alona Diwa, DOH Development Management Officer IV na nakatalaga sa Nueva Ecija, sa ngayon ay hindi pa alam kung ano ang mga brand ng bakunang darating at magiging available sa merkado. 

Aniya, ang unang batch ng bakuna ay daraan lamang sa emergency procurement at ito ay nakalaan para sa mga health care worker.
Ipinaliwanag ni Diwa na kung Pfizer-BioNTech ang bakunang gagamitin, ito ay kailangang nasa storage facility na may temperaturang -80 hanggang -60 degrees Celsius. 

Ayon naman kay Mayor Kokoy Salvador, hangga’t maaari ay AstraZeneca ang bakunang kanyang ipabibili sa pondong gagamitin ng Lokal na Pamahalaan. Bukod sa ito ay higit na mas mura kaysa ibang bakuna, mataas din ang efficacy rate nito, ayon sa mga resulta ng trials at pagsusuri ng mga siyentista.

Batay sa datos mula kay City Population Officer Nathaniel Vergara, mayroong humigit kumulang 111,000 populasyon na may edad 16 pataas ang lungsod.

Kailangang makapagbakuna ng 75% ng populasyon upang makamit ang tinatawag na “herd immunity” laban sa COVID-19. 

Ang “herd immunity” ang paglaban sa pagkalat ng isang nakahahawang sakit sa loob ng isang populasyon batay sa mataas na bilang ng mga indibidwal na mayroon nang proteksyon laban dito bilang resulta ng impeksiyong gumaling o pagbabakuna. 

Sa kasalukuyan, may mga nag-iikot sa mga barangay upang alamin ang bilang ng mga magpapabakuna sa bawat sambahayan sa lungsod.
 
Iginiit ni Mayor Kokoy na kailangang maging maayos at malawak ang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa pagbabakuna laban sa COVID-19, at malaman ng publiko ang magiging benepisyo nito para sa kanilang kalusugan, gayundin ang peligrong maaaring idulot sa kanila kung hindi magpapabakuna. 

Ayon naman kay Diwa, bawat brand ng bakuna ay may kaukulang information leaflet na ipamimigay sa publiko bago ito gamitin sa kanila. Mayroon ding counseling na magaganap bago bakunahan ang isang indibidwal. 

Ang mas detalyadong “micro-plan” para sa pagbabakuna ay pagtutulungang buuin ng Local IATF sa pangunguna ng City Health Office.