Day 5 | SAN JOSE CITY COVID-19 VACCINATION DRIVE
Published: March 26, 2021 09:00 AM | Updated: June 08, 2021 02:58 PM
Nabakunahan ang 698 healthcare workers (HCWs) sa limang araw na COVID-19 Vaccination Drive sa lungsod mula Marso 22-26, base sa inisyal na datos ng City Health Office.
Kabilang sa mga nabigyan ng first dose ng AstraZeneca vaccine ay mga HCW ng Ospital ng Lungsod ng San Jose (OLSJ), Heart of Jesus Hospital (HJH), City Health Office (CHO), Rural Health Units (RHU), Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs), pati na ang mga City at Barangay Health Worker (BHW), at iba pang HCW mula sa iba’t ibang ahensiya sa lungsod pati na sa pribadong sektor.
Wala namang naiulat na nakaranas ng malalang side effects sa mga nabakunahan, kundi pawang normal na reaksiyon lamang sa bakuna ang naramdaman ng ilan gaya ng pananakit sa parteng tinurukan, pangingirot ng mga kalamnan, pagkapagod (fatigue), at kaunting lagnat.
Tiniyak ng Department of Health (DOH) na hindi dapat mag-alala sa mga naturang reaksiyon dahil senyales lamang ito na kumikilos ang bakuna at bumubuo ng proteksiyon ang katawan.
Bagama’t isang solusyon laban sa pandemya ang pagbabakuna, pinapaalalahanan ang publiko na patuloy pa ring sundin ang mga health at safety protocols gaya ng pagsususot ng face mask, isang metrong physical distancing, at madalas na paghuhugas o pag-sanitize ng kamay.
Samantala, ibibigay naman ang second dose ng bakuna makalipas ang 8-12 linggo.
Ipagpapatuloy hanggang bukas, Marso 27 ang pagbabakuna sa Pag-asa Sports Complex.