News »


Family Planning Caravan

Published: August 18, 2023 07:00 PM



Nagsagawa ng Family Planning Caravan kahapon (Agosto 17) sa Pag-asa Sports Complex bilang bahagi ng pagdiriwang ng Family Planning Month ngayong Agosto na may temang, “Usap Tayo sa Family Planning para Protektado ang Pamilyang Pilipino”.

Dinaluhan ito ng mahigit 500 kababaihan edad 15-49 mula sa iba't ibang siyudad at munisipalidad ng ikalawang distrito ng Nueva Ecija pati na sa City of Palayan at Cabanatuan, kabilang ang mga buntis at mga hindi pa sumalang sa formal family planning education.

Dumalo rin sa naturang programa ang ilang retired midwives sa lungsod na pinagkatiwaalan ng USAID na magbahagi ng kaalaman sa family planning.

Tinalakay rito ang iba't ibang paraan ng pagpaplano ng pamilya at kaalaman tungkol sa breast cancer.

Nagpamahagi pa ng ilang contraceptives sa mga dumalo, grocery, tumblers, at Gcash sa mga nanalo sa raffle.

Binigyang-diin naman ni Commision on Population (PopCom) Region 3 Director Odette Nacionales ang kahalagahan at benepisyo ng pagpaplano ng pamilya.

Aktibo ring nakibahagi sa programa si Vice Mayor Ali Salvador, at aniya, buo ang suporta nila ni Mayor Kokoy Salvador sa mga programang may kaugnayan sa family planning para maging protektado ang bawat pamilya at mapaangat ang buhay nila.

Naisagawa ang Family Planning Caravan sa pangunguna ng Provincial Health Office at pakikipagtutulungan ng mga Lokal na Pamahalaan ng District 2, PopCom Region III, Municipal at City Population Offices, City Health Office, DKT Easy Reach, at Zuellig Family Foundation (ZFF).