News »


Financial Assistance para sa Benepisyaryo ng Master's Thesis Writing Program

Published: September 22, 2020 12:00 AM



Ipinagkaloob nitong umaga (September 22) ang P10,000.00 financial assistance para sa 14 na benepisyaryo ng Master’s Thesis Writing Program ng Lokal na Pamahalaan.

Sa bisa ng City Ordinance No. 20-009, tumanggap ng tulong pinansiyal ang siyam na guro at limang kawani ng gobyerno na kumukuha ng Master’s Degree.

Kaugnay nito, ipinaliwanag ni James Victor Patacsil ng Office of the City Mayor ang mga alituntunin ng naturang ordinansa. 

Layunin ng ordinansang ito na mahikayat na ipagpatuloy ang pag-aaral ng mga kwalipikadong benepisyaryo upang mas malinang ang kanilang kaalaman at lalo silang humusay sa kanilang propesyon.

Idinaos ang paggawad ng tulong pinansiyal sa OCM Conference Room, kung saan dumalo si Punong Lungsod Kokoy Salvador. 

Ayon kay Mayor Kokoy, nais niyang maging handa tayo sa patuloy na paglago ng San Jose at makasabay ang mga empleyado pagdating sa paglinang ng kanilang husay at kaalaman.  Aniya, “Pangako ng mga investors na pumapasok ng San Jose City ay 70% ng empleyado ay dapat taga-San Jose. Pero dahil sa tayo ay equipped ng sapat na kaalaman at skills, darating ang araw na 100% ng empleyadong kukunin nila ay lahat taga-San Jose na.”

Nagpaalala rin ang Punong Lungsod ng patuloy na pag-iingat sa COVID-19.