News »


Gabi ng Pasasalamat

Published: April 19, 2023 12:59 PM



Dumagsa ang higit 2,000 miyembro ng San Jose City Pastoral Movement (SJCPM) kagabi (Abril 18) sa City Social Circle para sa Gabi ng Pasasalamat.

Ayon kay Vice Mayor Ali Salvador, dapat lang na ang unang araw ng pagdiriwang ng piyesta ay laging para sa Panginoon, kaya naman nagpasalamat siya sa SJCPM sa pangunguna ng kanilang tagapangulo na si Ptr. Nelson "Bong" Vicente at sa mga organizer ng naturang taunang aktibidad upang magbigay papuri at pasasalamat sa natatamong biyaya ng lungsod.

Sinang-ayunan naman ito ni Mayor Kokoy Salvador at aniya, sana dumating ang panahon na wala nang mahirap sa San Jose at pagpalain lagi ng Panginoon.

Samantala, napuno naman ng galak ang gabi sa pagdating ng espesyal na panauhin sa programa na si Ptr. Ruther Urquia, kasama ang puppet niyang si Titoy na pawang nakilala bilang finalist sa Pilipinas Got Talent Season 1.

Nagpamalas din dito ng galing at talento ang ilang grupo ng kabataang miyembro SJCPM.

Sa huling bahagi ng programa ay nagkaroon ng raffle draw kung saan nakapag-uwi ng appliances ang mga pinalad na manalo.