News »


Grupo ng Mason at Hudikatura, wagi sa Bowling Tournament

Published: September 05, 2018 11:53 AM



Tinanghal na kampeon ang grupong SJC Masonic Lodge 309 and Judiciary matapos pataubin ang 17 grupo ng magagaling na bowlers sa lungsod na nagtagisan sa kauna-unahang Mayor Kokoy Salvador Bowling Tournament.

Ginanap nitong Agosto 31 sa SOD Bowling Lanes, Brgy. Malasin ang championship kung saan naging mahigpit nitong kalaban ang Team Kap Jerold na idineklarang 1st Runner-up sa laro, na sinundan naman ng Team Executives para sa 2nd Runner-up.

Di rin nagpahuli ang grupong Engr. Garcia Construction na nakasungkit sa 3rd Runner-up, at ang Sajelco para sa 4th Runner-up.
Sinundan naman ito ng Team Ko, Narra Masonic Lodge 171 at K of C 4073.

Samantala, binigyan pa ng pagkakataon ang bottom five na maidepensa ang kani-kanilang mga grupo, at dito nakapasok ang grupong Philippine Carabao Center, Dep Ed at Rotary Club.

Dagdag pa rito, ilang indibidwal din ang nakasungkit ng special awards.

Tinanghal bilang Most Valuable Player o MVP si Virgilio Babes Gatbagan; nasungkit naman ni Lito Edrada ang Highest Pinning Score.

Naasinta naman ni Rodel Padilla ang Highest Individual Score Award, samantala Highest Team Scorer ang grupong Kap Jerold na tinanghal ding Best in Uniform.

Nagbigay rin ng suporta si Vice Mayor Glenda Felimon-Macadangdang na dumalo sa programa.

Matatandaang nagsimula ang palaro nitong ika-20 ng Hulyo at matagumpay na naisagawa sa pangunguna ng Sports Development Office katuwang ang Lokal na Pamahalaan.