News »


Himig Pasko, tampok sa Chorale Competition

Published: November 21, 2018 04:37 PM



Tunay na damang-dama na ang Kapaskuhan sa lungsod nang marinig ang naggagandahang himig ng mga mag-aaral na lumahok sa Chorale Competition Semifinals na idinaos nitong ika-16 ng Nobyembre sa City Social Circle.

Nagpagalingan sa pag-awit ng iba’t ibang Christmas songs ang Elim School for Values and Excellence, Habitat, Manicla, Parilla, at Sto. Niño 1st Elementary School sa elementary category.

Sa high school category, nagtagisan naman ang Core Gateway College, Caanawan, at Kita-Kita High School.

Panalo sa round na ito ang Elim School for Values and Excellence at Kita-Kita High School na pasok na sa grand finals.

Ilan pang paaralan ang magtutunggali sa Chorale Competition Semifinals na gaganapin tuwing Biyernes at ang mga magwawagi rito ang magtatapatan sa grand finals na gaganapin sa Disyembre 14.

Samantala, kasama naman ni Mayor Kokoy Salvador na nananood at sumuporta sa programa ang kanyang maybahay na si Veronica Salvador.

Game na game ding nakipag-selfie/groufie si Mayor Kokoy sa mga estudyante at manonood.

Pinangunahan naman ni Vice Mayor Glenda F. Macadangdang kasama sina City Councilor Victoria Adawag at Jennifer Salvador ang paggawad ng papremyo sa mga kalahok.