News »


Ikalawang POWAS, dumaloy na sa Brgy. Tondod

Published: October 29, 2019 12:00 AM



Pormal na pinasinayaan ngayong umaga (Oktubre 29) ang ikalawang Potable Water System (POWAS) sa Brgy. Tondod. 

Itinayo sa Sitio San Raymundo ang naunang POWAS sa nasabing barangay at ngayon naman ay sa Sitio San Pedro. 

Isa sa mga pinakamalaking  proyekto ng Lokal na Pamahalaan ang POWAS na naglalayong mabigyan ng pagkukuhanan ng malinis at sapat na suplay ng tubig ang mga mamamayan sa mga lugar na hirap sa tubig partikular sa mga malalayong lugar.

Malinis at garantisadong ligtas ang tubig ng POWAS dahil dumaan ito sa masusing pagsusuri ng City Health Office – Sanitation Division.

Kahit umaambon, maagang dumating sa lugar sina Mayor Kokoy Salvador na siyang nanguna sa pagpapasinaya. 

Mainit naman ang ipinakitang pagsuporta nina Vice Mayor Glenda Felimon-Macadangdang at City Councilors Trixie Salvador, Roy Andres, Wilfredo Munsayac, at Atty. Ronald Lee Hortizuela. 

Bukod sa inagurasyon, isinabay rin ang panunumpa ng mga opisyales ng asosasyon na mamamahala sa POWAS sa nasabing lugar.

Nagbigay naman ng talumpati ang presidente ng POWAS-San Pedro na si Jimmy Borromeo at ni Kapitan Wilfredo Agonoy. 

Binigyang-diin nila ang malaking ambag ng POWAS sa pang-araw-araw na buhay sa mga residente. Pinasalamatan din nila ang masidhing pagtugon ni Mayor Kokoy sa kanilang mga pangangailangan.

Mula nang manungkulan si Mayor Kokoy, ito na ang pang-32 POWAS na naisakatuparan. Nabanggit din ni Mayor Kokoy na marami pang POWAS ang nakapilang itatayo sa iba’t ibang lugar sa lungsod.