Ilang Kooperatiba sa Lungsod, May Proyektong Milky Buns
Published: December 23, 2021 01:50 PM
Sa ilalim ng programang “Ahon Lahat, Pagkaing Sapat” kontra COVID-19 (ALPAS COVID-19) ng Department of Agriculture (DA), nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa Milkybuns Bakery Assistance Fund sa pagitan ng Lokal na Pamahalaan, City Cooperative and Development Office, at ng Philippine Carabao Center (PCC) nitong ika-20 ng Disyembre sa City Hall.
Tinanggap ng mga kooperatibang Brother’s Keeper, Eastern Primary Multi-Purpose Cooperative, Delaen Agriculture Cooperative, at Simula ng Panibagong Bukas Multi-Purpose Cooperative (SIPBU) ang tulong pinansyal mula sa DA.
Mahigit kalahating milyong pondo (P575,000.00) kada-kooperatiba ang inilaan para sa proyektong Milkybuns Bakery sa pakikipagtulungan ng PCC.
Gagamitin ng mga kooperatiba ang pondo para sa pagtatayo ang apat na bakeries na makagagawa ng mas masustansiya at mas magatas na tinapay na kanilang maibebenta sa merkado.
Mayroon na ring MOA sa Kagawaran ng Edukasyon ang mga kooperatiba upang mag-supply ng ganitong uri ng tinapay para sa National Milk Feeding Program ng bansa, alinsunod sa Batas Republika bilang 11037 o ang Masustansiyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.
Dumalo sa programa sina PCC Deputy Executive Director for Admin & Finance, Dr. Caro B. Salces, PCC OIC-Executive Director Dr. Ronnie D. Domingo, PCC at CLSU Center Director Dr. Ericson N. Dela Cruz at OIC-Carabao Enterprise Development section Joel F. Cabading.
Bilang suporta, nakibahagi rin sina Mayor Kokoy Salvador, City Administrator Alexander Glenn E. Bautista, City Cooperative Officer Ma. Cristina R. Corpuz at mga miyembro ng kooperatiba.
Nagpasalamat naman ang lider ng mga kooperatiba sa patuloy na suporta, paggabay, at pagbibigay ng pagkakakitaan sa kanila ng PCC.