Inagurasyon ng Potable Water System - Caanawan (October 28, 2021)
Published: October 28, 2021 01:00 PM
Isinagawa ang pormal na inagurasyon ng ika-50 Potable Water System (POWAS) sa lungsod nitong umaga (Oktubre 28), sa Brgy. Caanawan, kasabay ang panunumpa ng kanilang Lupon ng Katiwala.
Pinangunahan ni Mayor Kokoy Salvador ang aktibidad kasama si Punong Barangay Bernardo Manocdoc Jr. at ilang opisyal ng Sangguniang Panlungsod.
Ito ang ikalawang POWAS sa naturang barangay na tinawag nilang CAAPOWAS.
100% ng pondo sa pagpapatayo ng mga POWAS sa lungsod ay galing sa Development Fund ng Lokal na Pamahalaan.
Ayon kay Mayor, bukod sa pagkakaroon ng malinis na tubig sa mga liblib na lugar, hangad din ng proyekto ang “people empowerment” sapagka’t kapag naitayo na ang POWAS, mga member-consumer na ang mamamahala sa pagpapatakbo at pagmementina nito.
Payo ng Punong Lungsod sa mga residente na mahalin at pag-ingatan ang POWAS dahil mapakikinabangan nila ito ng mahabang panahon.
Tiniyak naman ni JE Dizon ng City Health Office - Sanitation Division na pasado sa kanilang pagsusuri ang kalidad ng tubig mula sa POWAS at ligtas itong inumin ng mga konsyumer.
May ilan pang POWAS ang inaasahang itatayo sa mga susunod na buwan at nakatakdang pasinayaan ang bagong POWAS sa Brgy. Sto. Tomas sa darating na Nobyembre.