News »


Inagurasyon ng Potable Water System (POWAS) - Sitio San Gaspar, Brgy. Tondod

Published: January 07, 2022 02:05 PM



Pormal na pinasinayaan nitong Huwebes, ika-6 ng Enero, sa Sitio San Gaspar, Brgy. Tondod ang ika-55 na POWAS sa lungsod, kasabay ng panunumpa ng kanilang Lupon ng Katiwala. 

Ito na ang pangatlong POWAS sa nasabing barangay at may dalawa pang inihahandang buksan.
Pinangunahan ni Mayor Kokoy Salvador ang aktibidad kasama ang ilang opisyal ng Sangguniang Panlungsod.

Galing sa Development Fund ng Lokal na Pamahalaan ang isandaang porsyento ng pondo sa pagpapatayo ng POWAS, na layuning makapagbigay ng malinis na supply na tubig lalo na sa malalayong lugar.

Payo ng Punong Lungsod sa mga residente na pag-ingatan ang POWAS dahil mapakikinabangan nila ito ng mahabang panahon.

Dagdag pa niya, hangad din ng proyekto ang “people empowerment” sapagkat kapag naitayo na ito, mga member-consumer na ang mamamahala sa pagpapatakbo at pagmementina nito.

Batay sa impormasyong nakalap ng Public Information Office, nakapagbigay na rin ng dibidendo ang ilang asosasyon ng POWAS sa mga member-consumers nito, bukod pa sa naipong pondo na gagamitin para sa operasyon at pagmementina ng POWAS.

Siniguro naman ni J. E. Dizon ng Sanitation Division, City Health Office, ang pagiging malinis at ligtas-inumin ng tubig na galing sa POWAS.