Inagurasyong ng Potable Water System - NIÑOPOWAS
Published: December 10, 2021 11:27 AM
Isinagawa ang pormal na inagurasyon ng ikapitong Potable Water System (POWAS) sa Brgy. Sto. Niño 3rd na tinawag na NIÑOPOWAS kahapon, Disyembre 9, gayundin ang panunumpa ng kanilang Lupon ng Katiwala.
Mayroon pang dalawang POWAS na nakahanda nang i-turn-over sa mga mamamayan ng Sto. Nino 3rd, habang tatlo naman ang kasalukuyan pang ginagawa.
Sa kabuuuan, magkakaroon ng labindalawang POWAS sa nasabing barangay.
Pinangunahan ni Mayor Kokoy Salvador ang aktibidad kasama ang ilang opisyal ng Sangguniang Panlungsod.
Galing sa Development Fund ng Lokal na Pamahalaan ang isandaang porsyento ng pondo sa pagpapatayo ng POWAS, na layuning makapagbigay ng malinis na supply na tubig lalo na sa malalayong lugar.
Payo ng Punong Lungsod sa mga residente na pag-ingatan ang POWAS dahil mapakikinabangan nila ito ng mahabang panahon.
Dagdag pa niya, hangad din ng proyekto ang “people empowerment” sapagkat kapag naitayo na ito, mga member-consumer na ang mamamahala sa pagpapatakbo at pagmementina nito.
Siniguro naman ni J. E. Dizon ng Sanitation Division, City Health Office, ang pagiging malinis at ligtas ng tubig na galing sa POWAS.
Nakatakdang pasinayaan ang isa pang POWAS sa Zone 9, Brgy. Tayabo, ngayong buwan ng Disyembre.