News »


Inagurasyong ng POWAS sa Brgy. Kita-Kita

Published: March 25, 2022 11:41 AM



Isa na namang POWAS ang pinasinayaan sa Brgy Kita-Kita nitong Huwebes, Marso 24, sa pangunguna ni Punong Lungsod Kokoy Salvador kasabay ng panunumpa ng lupon ng katiwala na siyang mamamahala sa pagpapatakbo at pagmementina ng sistema ng tubig.

Ito na ang pang-animnapu’t anim (66) na POWAS na napasinayaan sa lungsod mula nang simulan ang proyekto noong 2017 bilang isa sa mga prayoridad na programa ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Kokoy.

Galing sa Development Fund ng Lokal na Pamahalaan ang isandaang porsyento ng pondo sa pagpapatayo ng POWAS.

Pinaalalahanan ng Punong Lungsod ang mga konsyumer na makikinabang sa tubig na pag-ingatan ang POWAS upang magamit ito ng mahabang panahon.

Dagdag pa niya, hindi lamang pagbibigay ng tubig ang layunin ng POWAS kundi hangad din ng proyekto ang “people empowerment” sapagkat mga member-consumer ang mamamahala sa pagpapatakbo at pagmementina ng POWAS.

Sa ganitong paraan, natuturuan ang komunidad na magpatakbo ng isang organisasyon at makapag-isip ng iba pang proyektong pangkabuhayan para sa mga miyembro nito.

Ang mga konsyumer ng POWAS ay nagbabayad lamang ng sampu hanggang kinse pesos bawat metro kubiko (katumbas ng isang libong litro) ng tubig na kanilang nakokonsumo. Wala ring binabayarang “fixed minimum” ang mga ito.

Sinisiguro naman ng Sanitation Division, City Health Office, na malinis ang tubig na galing sa POWAS at ito ay ligtas na inumin.