News »


Inauguration ng POWAS-Delaen, Abar 2nd

Published: October 08, 2020 12:00 AM



Isinagawa ang inagurasyon ng Potable Water System o POWAS sa Sitio Delaen, Brgy. Abar 2nd kanina (Oct 8) sa pangunguna ni Punong Lungsod Kokoy Salvador, kasama sina Vice Mayor Glenda Macadangdang, ilang konsehal ng lungsod, at mga opisyal ng barangay. 

Layon ng proyektong POWAS na mabigyan ng malinis at sapat na suplay ng tubig ang mga mamamayan, partikular sa mga malalayong lugar.

Sa mensahe ni Mayor Kokoy sa mga dumalo, sinabi niyang mahalin at ingatan ang naturang POWAS sapagkat ito ay magsisilbi nang pangmatagalan sa kanilang lahat.

Binigyang diin din ni Mayor ang kahalagahan ng tubig ngayong panahon ng pandemya. 

“Kaya ngayon, sa baba ng presyo ng tubig ninyo at malakas naman ang pressure, hindi nakakatamad maghugas o laging maligo para makaiwas sa Covid-19,” aniya.

Garantisado namang ligtas ang tubig mula rito dahil dumaan ito sa masusing pagsusuri ng City Health Office – Sanitation Division.

Bukod sa pagpapasinaya ng naturang proyekto, isinabay rin ang panunumpa ng Lupon ng Katiwala na siyang mamamahala sa tinawag nilang DELAPOWAS.

Ito ang pantatlumpu’t anim (36) na POWAS na naitayo mula nang manungkulan si Mayor Kokoy, at inaasahang may iba pang lugar sa lungsod ang mabibigyan din ng ganitong proyekto.