News »


Inauguration ng POWAS-San Juan

Published: December 04, 2020 12:00 AM



Pormal na ginanap ang pagpapasinaya ng ika-43 na Potable Water System (POWAS) sa lungsod kahapon, Disyembre 3, sa Brgy. San Juan sa pangunguna ni Punong Lungsod Kokoy Salvador.

Ito na ang ikalawang POWAS sa naturang barangay na tinaguriang “SJPOWAS” na halos dalawang buwan nang nag-ooperate at napakikinabangan ng 83 member consumers.

Hinangaan ng Punong Lungsod ang tagapamahala ng tinaguriang “SJPOWAS” sapagkat sa maikling panahon ay naging organisado ang kanilang pangangalaga sa proyektong handog sa kanilang lugar.

Dagdag pa rito, naging maayos ang pamamalakad sa pananalapi ng kanilang asosasyon kung kaya’t sa loob lamang ng dalawang buwang operasyon ay nakapag-ipon sila ng halaga na maaari nilang magamit upang makapagpundar ng mga kinakailangang materyales na makatutulong para maging tuloy-tuloy ang suplay ng POWAS sa kanilang barangay.

Ipinaliwanag ni Mr. Oliver Garcia, POWAS Coordinator ng Lokal na Pamahalaan, ang naging proseso sa pagpapatayo ng POWAS sa nasabing barangay at nagpaabot ng pasasalamat sa nag-donate ng lupang pinagtayuan ng naturang proyekto. 

Samantala, tiniyak naman ni JE Dizon ng City Health Office – Sanitation Division na dumaraan sa pagsusuri kada buwan ang kalidad ng tubig sa POWAS upang matiyak na malinis at ligtas inumin ang tubig mula rito. 

Dumalo rin sa inagurasyon sina Vice Mayor Glenda Felimon Macadangdang at mga konsehal Atty. Ronald Lee Hortizuela, Amang Munsayac, Trixie Salvador, Dr. Susan Corpuz, Willie Nuńez, at Derick Dysico, gayundin ang ilang opisyales ng barangay upang magpakita ng kanilang suporta.