News »


Inauguration ng POWAS-Sinipit Bubon

Published: December 01, 2020 12:00 AM



Idinaos ang inagurasyon ng ikalawang Potable Water System (POWAS) sa Brgy. Sinipit Bubon noong ika-26 ng Nobyembre, na tinawag na “SIBU-POWAS”.

Pinangunahan ni Punong Lungsod Kokoy Salvador ang pagpapasinaya ng proyekto, gayundin ang panunumpa ng Lupon ng Katiwala na siyang mamamahala sa POWAS doon.

Sa kanyang mensahe, ipinaliwanag ng Punong Lungsod na naging isa sa mga prayoridad niyang proyekto ang POWAS dahil alam niya ang kahalagahan ng tubig sa pang-araw-araw na pamumuhay. Aniya, paggising pa lang sa umaga ay tubig na agad ang kailangan hanggang bago matulog sa gabi.

Dagdag ni Mayor Kokoy, sulit na sulit ang tubig mula sa POWAS dahil babayaran ito sa murang halaga lamang. Hindi na kailangang magpuyat ng mga residente para makapag-ipon ng tubig o magpagod para mag-igib sa poso. 

Paalala ng Punong Lungsod sa mga opisyal ng “SIBU-POWAS” at mga konsyumer na pag-ingatan ito para mapakinabangan nang matagal.
Samantala, tiniyak ni JE Dizon ng City Health Office – Sanitation Division na buwan-buwan nilang sinusuri ang POWAS, na halos kapareho sa pagsusuri sa mga water refilling station para matiyak na ligtas itong inumin. 

Handa ring magbigay ng technical assistance ang City Engineering Office kung magkaproblema sa POWAS, ayon kay Ar. Quirino delos Santos.

Nakibahagi rin sa programa ang mga Konsehal ng Bayan na sina Dr. Susan Corpuz, Atty. Ronald Hortizuela, Roy, Andres, Niño Laureta, Derick Dysico, at Willie Nuñez.