Inauguration ng POWAS-Sitio Usok, Malasin
Published: October 02, 2020 12:00 AM
“Simula nang magka-POWAS dito sa Sitio Usok, kapag pumupunta ako sa Villa Floresta ay wala na akong nadadaanang batang bumababa pa mula sa bundok para maki-igib sa poso. Dati ay madalas akong nakakasalubong ng mga batang bumababa at naglalakad para mag-igib,” ito ang sinabi ng Punong Lungsod Kokoy Salvador sa kanyang mensahe nang pormal na pasinayaan ang pangalawang POWAS sa Brgy Malasin kahapon, October 1, sa Sitio Usok ng nasabing barangay.
Ito na ang pang-tatlumpu’t apat na POWAS na naitayo sa Lungsod San Jose simula nang maging landmark project ito ng kasalukuyang administrasyon. Sa kasalukuyan ay may mga POWAS pa ring itinatayo sa iba’t ibang liblib na lugar. Ang mga ito ay proyektong naaprubahan at nasimulan bago pa man dumating ang pandemya ng COVID-19.
Dahil higit na lalong mahalaga ang malinis na tubig ngayong panahong ito, sinisigurado naman ng City Health Office – Sanitation Division ang pagiging ligtas ng tubig mula sa POWAS matapos itong dumaan sa masusing pagsusuri.
Bukod sa mga opisyal ng barangay sa pangunguna ni Kap Jessie Eway, dumalo rin sa pasinaya sina Konsehal Roy Andres, Doc Susan Corpuz, Amang Munsayac, at Atty. Ronald Hortizuela.
Pinaalalahanan din ng Punong Lungsod ang mga residente ng barangay na ugaliin ang pagsusuot ng face mask kapag nasa labas.