Inauguration of New BFP Station
Published: February 15, 2021 12:00 AM
Idinaos ang pormal na inagurasyon ng bagong istasyon ng bumbero sa Lungsod San Jose na itinuturing na kauna-unahang modernized Bureau of Fire Protection (BFP) Station sa buong Region 3 nitong Biyernes, Feb 12.
Dinaluhan nina Punong Lungsod Kokoy Salvador, Nueva Ecija 2nd District Representative Mikki Violago, BFP Chief Leonard Bańago, BFP Regional Director Manuel Manuel, City Fire Marshal Augusto Yalung, Vice Mayor Glenda Felimon Macadangdang, at ilang konsehal at mga opisyal ng lungsod ang nasabing aktibidad.
Pinangunahan naman ni Bishop Roberto Mallari ang pagbabasbas sa bagong gusali.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni RD Manuel ang Lokal na Pamahalaan ng Lungsod San Jose at ang administrasyon ni Punong Lungsod Kokoy Salvador dahil sa donasyong lote na may laking 971 sqm sa Maharlika Highway, Brgy Abar 1st kung saan itinayo ang unang “typical city fire station” sa rehiyon. Ang lote ay dating kinatatayuan ng Animal Breeding Center ng City Veterinary Office.
Aniya, hindi maisasakatuparan ang proyektong ito ng BFP sa lungsod kung hindi dahil sa maayos na pamumuno ng mga opisyal na nanunungkulan na laging nakasuporta sa mga programang para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Proyekto ng BFP ang modernisasyon ng mga fire station sa buong bansa upang lumebel sa kalidad ng isang “typical fire station”.