Inspeksiyon ng mga Establisyemento para sa Safety Seal Certification
Published: July 08, 2021 10:00 PM
Sinimulan nang mag-ikot ng Department of the Interior and Local Government (DILG), kasama ang Business Permit and Licensing Office (BPLO), Local Disaster Risk Reduction & Management Office (LDRRMO), City Health Office (CHO), Bureau of Fire Protection (BFP) at PNP para inspeksiyunin ang mga establisimyento sa lungsod kaugnay sa Safety Seal Certification Program ng pamahalaan.
Ininspeksyon nitong Martes (July 6) ng mga kinatawan ng naturang ahensiya ang mga tindahan sa loob ng Walter Mart San Jose upang tignan kung naipatutupad dito ang mga minimum public health standard, kabilang ang regular na paglilinis at disinfection, paggamit ng thermal scanner, at iba pa.
Bineripika rin ang mga QR Code ng mga establisimyento para sa digital contact tracing application na StaySafe.Ph.
Isinagawa ito bunsod ng panawagan ng DILG sa lahat ng Lokal na Pamahalaan at mga establisimyento na gamitin ang Staysafe.Ph app para sa mas maayos at mas mabilis na contact tracing sa mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Samantala, gagawaran ng Safety Seal ang mga opisina o establisimyento na nakapasa sa mga itinakdang pamantayan.
Layunin ng Safety Seal Certification Program ng pamahalaan na paigtingin ang pagsunod ng mga pribado o pampublikong establisimyento sa minimum public health standards na itinakda ng gobyerno, at para mas tumaas din ang kumpiyansa ng mga mamamayan sa kaligtasan ng isang opisina.
Nauna nang ininspeksyon ang lahat ng tanggapan ng Lokal na Pamahalaan nitong ika-1 ng Hulyo, at ginawaran ito ng Safety Seal.