Inspeksiyon ng Talipapa sa San Roque St.
Published: November 06, 2020 12:00 AM
Nag-ikot sa San Roque Street, Abar 1st nitong Miyerkules, Nov 4, ang mga kinatawan ng Business Permit and License Office (BPLO) para inspeksiyunin ang mga talipapa roon.
Kasama ang Public Order and Safety Office, Treasurer’s Office at PNP San Jose, nagbigay ng babala ang BPLO sa mga nagtitinda sa naturang lugar na ilegal ang paglalagay ng mga pwesto sa sidewalk o gilid ng kalsada.
Paliwanag ni Licensing Officer Christopher Pabalan, paglabag ito sa City Ordinance No. 20-004 na nagbabawal sa pagdi-display o paglalagay ng paninda sa mga kalye at sidewalk na nakakasagabal sa mga dumadaan pati na sa mga motorista.
Dagdag ni Pabalan, bawal din ang pagtitinda sa talipapa at sari-sari store ng mga perishable goods o madaling masirang produkto gaya ng karne ng baboy, baka, manok, at isda.
Aniya, pinahihintulutan lamang itong ibenta sa wet section ng Public Market, kaya’t hinihimok ang mga nagtitinda sa nasabing lugar na makipag-ugnayan sa Public Market Office para sa pagkuha ng puwesto.
Kaugnay nito, labing-isang vendor sa may kalye ng San Roque ang nahuling lumabag sa nabanggit na ordinansa at pinatawan ng karampatang multa.
Muling mag-iikot at mag-iinspeksiyon ang BPLO kasama ang iba pang tanggapan ng lokal na pamahalaan sa mga lugar kung saan nagtayo ng mga talipapa.
Pinaalalahanan naman ng DILG ang mga Local Chief Executives (governors, mayors) na ipagpatuloy ang inumpisahang clearing operations ng mga kalsada na naudlot nang ipatupad ang ECQ sa bansa.