News »


Inter Local Health Zone Meeting & World Rabies Day Celebration

Published: September 27, 2016 05:07 PM



Nagtipon-tipon ang mga Health Officer ng buong Nueva Ecija 2nd District upang makiisa sa pagdiriwang ng ika-sampung taong world rabies day na ginanap kanina (Sept. 27).

Sa naturang pagtitipon nagpalabas ng isang video si RHU III Dr. Rizza Esguerra tungkol sa nakababahalang epekto ng rabis sa katawan na kadalasa’y humahantong sa kamatayan lalo na kapag hindi ito agad naagapan.

Kaya naman nanawagan ang kinatawan ng Provincial Health Office na lalo pang paigitingin ang kampanya kontra rabis at ipaalala sa mga pet owner na maging responsibleng amo sa kanilang mga alaga.

Kaugnay nito, patuloy naman ang pagsasagawa ng City Veterinary Office sa pamumuno ni Dr. Rustan V. Patacsil ng anti-rabies vaccination sa mga alagang hayop sa iba’t ibang Barangay sa lungsod, pati na sa “K” outreach program.

Sinabi naman nina City Administrator Alexander Glenn Bautista at City Councilor Trixie Salvador na walang dapat na ikabahala ang City Health dahil laging nakasuporta ang pamahalaang lokal sa programang pang-kalusugan.

Layunin ng taunang paggunita na itaas ang kamalayan tungkol sa rabis at hikayatin ang mga amo na pabakunahan ang kanilang mga alaga kontra sa bagsik nito.
Ang World Rabies Day ay ginugunita tuwing ika-28 ng Setyembre sa halos pitumpu’t-apat na bansa sa buong mundo kabilang na ang Pilipinas.