News »


K Outreach, dumalaw sa Barangay Looban para sa NACOCOW

Published: October 26, 2022 03:21 PM



Binisita ng K Outreach Program kaninang umaga (Oktubre 26) ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) - San Jose City District Jail bilang pakikiisa at suporta ng lokal na pamahalaan sa pagdiriwang ng National Correctional Consciousness Week (NACOCOW) 2022 na may temang “Mataas na kalidad ng serbisyong pampiitan, pagbabago ng PDL tiyak makakamtan”.

Iba’t ibang serbisyo at tulong ang inihandog para sa mga person deprived of liberty (PDL) sa tinaguriang ‘Barangay Looban’ ng lungsod sa pangunguna ni Mayor Kokoy Salvador.

Ilan sa mga tulong at serbisyong dala ng LGU ay libreng dental at medical checkup mula sa City Health Office (CHO), sopas mula sa Mobile Kitchen ng City Cooperative Development Office, at seedlings mula sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO) at City Agriculture Office.
Nabigyan din ng libreng wheelchair mula sa Persons with Disability Affairs Office (PDAO) ang isang 56 na taong gulang na PDL doon.

Ayon kay Mayor Kokoy, kahit nasa loob man sila ng piitan, sisiguraduhin pa rin niyang maipadama sa kanila ang kalinga at serbisyo ng lokal na pamahalaan.

Kasama ring dumalaw sina City Councilor Patrixie Salvador-Garcia, Community Affairs Officer Ryan Niño Laureta, mga kinatawan ng iba pang opisina ng lokal na pamahalaan, gayundin ang The Fraternal Order of EAGLES Conquerors, at ilang sponsors sa nasabing programa.

Samantala, ginawaran ng BJMP SJC District Jail ng Sertipiko ng Pagkilala sa pangunguna ni District Jail Warden JCInsp Janice Cafongtan sina Mayor Kokoy at iba pang nakibahagi sa selebrasyon ng NACOCOW sa taong ito.

Naghandog naman ng pampasiglang bilang ang ilang PDL para aliwin at pasalamatan ang mga dumalo sa programa.

Layunin ng NACOCOW na itaas ang kamalayan at kaalaman ng taumbayan ukol sa kalagayan ng mga PDL.