News »


K Outreach Program, idinaos sa Calaocan

Published: July 04, 2017 04:01 PM



Nitong nakaraang Huwebes at Biyernes (Hunyo 29-30), nagtungo naman sa Brgy. Calaocan ang K Outreach Program dala ang mga libreng serbisyo ng lokal na pamahalaan.

Dinumog ito ng mga residente ng nasabing barangay kung saan nakatanggap ng libreng konsultasyon, libreng gamot, libreng bunot ng ngipin, at pagpoproseso ng sanitary health certificate na isinasagawa ng City Health Office

Gayundin ang pamimigay ng City Veterinary Office ng libreng bitamina, pampurga at bakuna kontra rabies sa mga alagang hayop.

Patuloy naman sa pamamahagi ng mga produktong may Sangkap Pinoy Seal (SPS) at iodized salt ang City Nutrition Office
Kasama rin sa K Outreach ay ang CENRO at City Agriculture Office na nagpamigay ng punlang puno, buto, punlang gulay at marami pang iba.

Ang City Population Office naman ay patuloy sa pamamahagi ng contraceptives at dumating din ang mga kinatawan ng City Legal Office at Sangguniang Panlungsod.
Samantala, sa pangunguna ni Mayor Kokoy Salvador katuwang si Vice Mayor Glenda Macadangdang at iba pang konsehal ng lungsod, nakapagpamahagi rin ng libreng reading glasses sa mga nakatatanda.

Tampok din dito ang personal na pakikinig ng Punong Lungsod sa mga hiling, saloobin at suhestiyon ng mga residente hinggil sa mga programa at proyekto ng pamahalaang lokal.

Bukod dito, masayang nakasalo ng mga residente si Mayor Kokoy sa isang Boodle Fight.

Samantala, sa ikalawang araw ay naghahatid din ng serbisyo ang Public Employment Service Office (PESO), City Civil Registrar’s Office, City Library, at Franchising and Regulatory Office.

Nagkaroon din ng pagkakataong magrelax ang mga residente sa hatid na libreng masahe ng H2P3 Massage Therapists.

Pinangunahan naman ng City Social Welfare and Development Office ang pamimigay ng bigas para sa kanilang “Food for Work” Program.

Maging ang tanggapan ni Congw. Mikki Violago ay kasama sa paghahatid ng serbisyo sa bawat barangay, kung saan libreng lugaw o sopas at gupit para sa lahat ang handog ng kinatawan ng ikalawang distrito ng Nueva Ecija.

Pakaabangan naman kung saang barangay susunod na dadalhin ang mga libreng serbisyo ng K Outreach Program ng Bagong San Jose.

(Rozz Agoyaoy-Rubio)