News »


K Outreach Program sa Brgy. Manicla

Published: December 05, 2022 12:30 PM



Dinayo ng K Outreach Program ang Barangay Manicla kaninang umaga (Disyembre 2) dala ang iba’t ibang tulong at serbisyo ng lokal na pamahalaan.

Dumalo sa nasabing programa si Vice Mayor Ali Salvador, kasama ang iba pang miyembro ng Sangguniang Panlungsod upang magpasalamat at mangumusta sa mga residente roon.

Hindi man nakarating si Mayor Kokoy Salvador, ipinaabot ni Vice Mayor Ali ang pagbati ng Punong Lungsod sa mga taga-Manicla at tiniyak ang patuloy na kalinga sa kanila ng lokal na pamahalaan.

Bukod sa mga regular na tulong at serbisyong ipinapamahagi sa K Outreach program, naghatid din doon ng mahahalagang anunsiyo sa mga mamamayan gaya ng bagong taripa ng pasahe sa traysikel sa lungsod.

Ayon kay Engr. Vimar Ila ng City Franchising and Regulatory Office (CFRO), mayroong mga nakapaskil na taripa sa mga rehistrado at may prangkisang traysikel upang magsilbing gabay sa mga drayber at pasahero.

Nagpaalala rin si Engr. Ila na huwag sasakay sa mga colorum o traysikel na walang prangkisa o walang body number.

Maaari ding i-report sa CFRO hotline 0926 606 4890 ang mga naniningil nang sobra sa aprobadong pasahe.