News »


Kampanya para isulong ang Drug-fee San Jose City, isinagawa

Published: September 24, 2017 03:28 PM



Isang malawakang campaign rally kontra droga ang idinaos sa lungsod nitong Biyernes, Setyembre 22, na dinaluhan at sinuportahan ng daan-daang San Josenio.

Suot ang puting damit, nagmartsa mula City Social Circle patungong Pag-asa Sports Complex ang mga opisyal at kawani ng Lokal na Pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Kokoy Salvador, Barangay Officials, PNP, Philippine Army, BJMP, mga kinatawan ng DepEd, high school students, at ilang NGOs para ipakita ang kanilang suporta sa programa ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.

Matapos ang martsa, nagkaroon ng paglagda ng kasunduan o “Covenant Signing for a Drug-free San Jose City” ang mga lumahok sa Grand Anti-Drug Abuse Campaign Rally.

Sa pahayag ni Vice Mayor Glenda Felimon Macadangdang, umaasa siyang ang naturang aktibidad ay umpisa pa lamang at marami pang pagsasamahan para labanan at ipakita na tayo ay mamamayang ayaw sa droga.

Pinaalalahanan naman ni Mayor Kokoy ang mga kabataan at sinabing “Piliin natin ang ating magiging kaibigan dahil puwede tayong madamay kung mayroon tayong kaibigang naliligaw ng landas”. Aniya, umiwas sila sa mga ito para sa kaligtasan ng mga kabataan.

Ibinahagi rin ng Punong Lungsod na mapalad ang San Jose dahil sa buong Nueva Ecija ay isa ang ating lungsod sa maliit lang ang record sa droga kumpara sa ibang mga munisipalidad.

Asam ni Mayor Kokoy na tuluyang mawala ang kumakalat na illegal drugs, kaya’t hinimok niya ang bawat isa na magtulong-tulong dahil may isang daang pwersa lamang ang kapulisan sa lungsod.

“Kung mayroon kayong alam sa inyong mga barangay o kapitbahay, ipagbigay alam natin sa kinauukulan para matapos na ang problema natin at tayo ang kauna-unahan sa probinsiya ng Nueva Ecija na ma-declare na drug-free city”, paghihikayat ni Mayor Kokoy sa kanyang mga kalungsod.

Sa mensahe ni Congresswoman Mikki Violago ay nagpapaala rin siya sa mga kabataan na hindi sagot sa problema ang droga, at sinabing gabayan din ng mga magulang ang kanilang anak at suportahan sila sa magagandang gawain.

Samantala, nagpaabot naman ng kanyang mensahe si PSSupt. Antonio C. Yarra, Provincial Director ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) sa pamamagitan ni PSupt. Renato Morales.

Malugod na binati ni Yarra ang lokal na pamahalaan sa pagdaraos ng nasabing programa at isa aniya itong pagpapahayag ng matinding suporta sa Project USAD o United Stand Against Dangerous Drugs ng PNP.

Naniniwala si Yarra na malaki ang maitutulong ng bawat isa upang labanan ang panganib at salot na droga sa lungsod, at nangako siyang ipagpapatuloy ng pulisya ang pagsugpo sa droga para maisulong ang isang ligtas na pamayanan.
(Ginalyn Pobre)