Kasalang Bayan - Pagibang Damara Festival 2022
Published: May 28, 2022 08:00 AM | Updated: May 11, 2022 04:07 PM
Naisakatuparan din ang pag-iisang dibdib ng 70 pares ng magsing-irog sa lungsod sa Mediterranean-themed na Kasalang Bayan na idinaos sa City Hall Courtyard nitong Miyerkoles (Abril 27).
Dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19 noong Pebrero, nakansela ang Kasalang Bayan na dating nakaiskedyul sa Araw ng mga Puso.
Ngayong naibaba na sa Alert Level 1 ang probinsya, naisagawa rin ang kasalan bilang bahagi ng selebrasyon ng Pagibang Damara Festival 2022.
Nagsilbing solemnizing officer ng naturang okasyon si Mayor Kokoy Salvador, kung saan nagpahayag din siya ng mainit na pagbati at sinabing hangad niyang maging masaya ang pagsasama ng mga bagong kasal.
Dagdag pa rito, may inihanda ring wedding reception para sa mga ikinasal kasama ang kanilang mga bisita na isinagawa sa City Social Circle, habang nakikinig sa bandang naghandog ng mga awit ng pag-ibig na lalong nagbigay kasiyahan sa gabing iyon.
Nakatanggap pa ng regalo ang mga bagong kasal, bukod sa damit pangkasal na sinagot din ng Lokal na Pamahalaan.
Samantala, bilang tugon sa health protocol sa gitna ng pandemya, sinigurong mga bakunado hindi lamang ang mga ikinasal kundi maging ang kani-kanilang kaanak na dumalo sa programa.