News »


Kasalang Bayan, Pinusuan ng mga Mamamayan

Published: February 15, 2019 03:23 PM



Nitong Araw ng mga Puso, ika-14 ng Pebrero, ginanap ang Kasalang Bayan sa City Hall Grounds ganap na alas-kuwatro ng hapon. Hitik sa pag-ibig ang okasyon kung saan animnapung magsing-irog ang pinag-isang dibdib sa isang seremonyas na pinangunahan ng Punong Lungsod Kokoy Salvador.

Simula nang manungkulan si Mayor Kokoy, ginaganap na ang programang ito tuwing Valentine’s Day, at mayroon pang reception ang Lokal na Pamahalaan para sa mga ikinakasal at mga piling bisita nila. Bagama’t limitado ang budget, sa direktiba ng Punong Lungsod para sa isang maayos na koordinasyon at preparasyon para sa programa, nabibigyan ng maayos at disenteng seremonyas ang mga nakikiisa sa Kasalang Bayan.

Ang Kasalang Bayan 2019 ay isa sa mga programa ng Lokal na Pamahalaan na pinangungunahan ng City Civil Registrar’s Office sa pakikipagtulungan sa Office of the City Mayor. Kaugnay rin ang proyektong ito sa pagdiriwang ng Civil Registration Month.

Matapos ang seremonyas, isang masaganang piging ang pinagsaluhan ng lahat sa City Social Circle. Nagsilbing Valentine’s Day celebration ang tema ng okasyon. Pinasaya naman ng isang banda ang mga mamamayang dumalo sa reception. May mga ihinanda ring magandang photo booth. Bukod dito, may mga pinili ring Best Couple, Love Birds, Best Dressed Couple, at marami pang iba.

Isang linggo bago ganapin ang Kasalang Bayan, isa namang orientation seminar ang isinagawa ng City Population Office (CPO) upang bigyan ng karampatang impormayon ang mga ikakasal tungkol sa tamang pagpaplano ng pamilya at maayos na pagsasama. May pre-nup shoot din na isinagawa para lalong patingkarin ang mass wedding na ito.

Dumalo at nagbigay mensahe naman sa pagtitipon sina Congressowman Mikki S. Violago, Vice Mayor Glenda Felimon-Macadangdang, mga konsehal sa Sangguniang Panglungsod, mga bisita, mga kaanak ng mga ikakasal, mga ninong at ninang, at mga empleyado ng Lokal na Pamahalaan ang pagtitipon. Nakisaya din ang maybahay ng Punong Lungsod na si Gng. Viring G. Salvador.