News »


Kauna-unahang Hybrid Rice Derby sa lungsod, ibinida

Published: October 11, 2023 11:42 AM



Ipinakita sa publiko kahapon (Oktubre 10) ng City Agriculture Office (CAO) ang naging bunga ng kauna-unahang Hybrid Rice Derby sa lungsod na matatagpuan sa Brgy. Sinipit Bubon.

Nasilayan dito ang walong ektaryang lupain na tinaniman ng iba't ibang klase o variety ng hybrid rice mula sa walong kompanya na nakibahagi sa nasabing proyekto, kasama ang apat na cooperators.

Ayon sa CAO, isasagawa ito sa loob ng dalawang taon o apat na cropping season.

Ibinahagi naman ni City Agriculturist Francisco Dantes sa kanyang mensahe na bagama't nagkaroon ng agam-agam sa simula ang mga magsasaka na magtanim ng hybrid rice sa panahon ng tag-ulan, napatunayang may potensiyal ito hindi lamang sa tag-araw.

Matatandaang inilunsad ang naturang proyekto noong Hulyo sa pamamagitan ng ceremonial planting.

Dumalo naman sa Hybrid Rice Derby Field Day si Vice Mayor Ali Salvador at ilang konsehal, gayundin ang mga kinatawan mula sa Provincial Agriculture Office at mahigit 200 magsasaka.